Kawawa ba talaga ang mga bakla?
Para sa akin depende siguro kung saan ipinanganak ang bakla.
Kung sa probinsiya ng mga relihiyoso at araw-araw may 3:00 oclock habit at novena pagdating ng alas-sais, kelangan present ka sa pagsimba tuwing linggo, ang tingin sayo, kelangan mo ng meditation, prayer rally at malaking himala.
Kapag ang batang paslit ay kinakitaan ng pagiging bakla, pinagagalitan, binibigyan ng mga laruang panlalaki, at higit sa lahat laging may suot na rosaryo.
Kawawa diba?
Kapag may mga activities sa school tulad ng folk dance, interpretative dance, monologue, at stage play, hindi nawawala ang mga batang bakla.
Madali silang matuto, at nagiging kaaya-aya ang palabas.
Kawawa ba sila?
May kilala akong batang bakla noon sa probinsiya namin, laging kasali sa sayawan sa school, minsan kumakanta rin dahil may angking ganda ang boses. Laging kasali sa honor roll.
Natutuwa ang mga magulang dahil sikat ang anak nila sa school at sa kalsada.
Kawawa ba siya?
Ngunit ng umalis sa lugar namin at sa pagbalik niya, isa na siyang dalagang pilipina. Mahaba ang buhok, may kulay ang mukha, mataas ang takong ng sapatos.
Gulat at panlilibak ang makikita sa mga mukha ng mga tao. Pati ang paring bagito sa lugar namin, kinausap ang bakla na bawal siyang pumasok sa simbahan ng nakablouse at palda.
Kawawa diba?
Kapag naglalakad sa daan, sumisigaw ang mga bata…”bakla….bakla…bakla…”
At magtatawanan ang mga matatanda.
Kawawa ba?
Dati ROTC ang tawag sa kolehiyo, kapag bakla ka, gagawin kang katatawanan ng mga kadete.
Dahil sa bakla ka at malamya, gagawin kang medic o tagabuhat ng mga hinihimatay, taga-abot ng tubig sa mga officers, at tagabili narin ng pagkain nila.
Kawawa diba?
Magagaling din ang mga bakla sa larangan ng akademiya, laging nangununa sa dean’s lists, honor lists at president’s lists.
Kapag may Miss Gay sa siyudad, pinapalakpakan, hinahangaan, nirerespito.
Kawawa ba?
Ang probinsiyanang bakla, hindi kailan man ipapakilala ng boyfriend niya sa mga kaibigan kahit ituring na lang na kaibigan.
At mas lalong ayaw na makita sila ng ibang tao na magkasama.
Kawawa ba siya?
Kapag walang iniabot na pera ang probinsiyanang bakla, asahan mo kinabukasan, wala na siyang jowa.
Kawawa diba?
E kung ang batang paslit na bakla ipinanganak sa Maynila?
Magiging kawawa ba siya?
Palagay ko, kawawa rin naman.
Dumiritso na tayo sa baklang matanda na.
Kapag ang trabaho niya ay parlorista, maraming maaakit sa kanyang ganda, sa suot na damit, sa bango ng kanyang pabango, sa kulay ng buhok, at hugis ng kanyang kilay.
Pero mas kaakit-akit ang bango at ganda ng iyong pera, kahit batang ligaw mapapabighani sa iyong kariktan.
Hindi mo mararanasan ang tunay na pagmamahal.
Kawawa diba?
Ngunit iba na ang uso ngayon, kung gusto mo ng may magmamahal sa iyo na walang kapalit, kahit blackberry, magpakalalaki ka.
Nauso na ngayon ang salitang “pamenta”.
Kapag hindi ka mukhang lalaki, walang magkakagusto sayo, na isang ring nag-aastang lalaki.
Diba kawawa sila?
Kahit anong anggulo, kahit saang aspeto, laging kawawa ang mga bakla.
Ang ibang bakla, kung ituring ng mga lalaki ay isang diyosa, pero kapalit naman ang magarbong pamumuhay.
May sustento mula nanay at tatay ng lalaki, hanggang sa mga pinsan, pamangkin at kahit kakilala lang.
Meron din namang minamahal ng mga lalaki, pero sa araw na nakahanap ng babae, pipiliin ka pa ba?
Pero ang mas masaklap, kahit alam mong may babae na o baka buntis na o di kaya’y may anak na, lumalapit parin saiyo at sasabihing “mahal parin kita.”
Ang alin ang mahal? Ang bigas? Ang gatas?
Kaya naman kawawa nga ang mga bakla.
Wednesday, March 17, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment